17 March 2016

Moving Up and Moving On... [Sir Jaytee's Message]

Moving-Up? Yan ba yung dating Graduation? Ito ang pangkaraniwang tanong ng mga 1st batch Junior High na magmo-Moving Up ngayon.

Image Courtesy: This image belongs to the rightful owner 
and is not owned by the blogger.
Hindi ko alam. Iniisip ko rin kung ano ang pagkakaiba. May naririning na akong Moving Up Ceremony sa Kinder pero dahil nakasanayan na natin sa 4th year High ang Graduation, medyo nakakapanibago. Naisip ko nga minsan na dahil hindi na Graduation ang tawag, baka palitan na rin ang Graduation March ng "I like to move it, move it....."

Ayokong palampasin ang unang batch na ito na wala akong iiwanang mensahe. Pero dahil may diversity of learners tayo sa klasrum, specific ang mensahe ko sa inyo.

Kay Fanatic
Natutuwa ako at may estudyante akong gaya mo na attentive na nakikinig sa mga sinasabi at pinapaliwanag ko. Isa ka sa mga dahilan kung bakit gusto ko pa magturo. Namo-motivate ako sa mga side comments mong, "Ah, yun pala yun...", "Ang galing naman!". Minsan nga pakiramdam ko, gusto mo pa mag-standing ovation. Naniniwala ako na talagang naiintindihan mo ang lesson (sana). At dahil ayoko madisappoint ang sarili ko, iniiwasan kitang tawagin sa recitation, baka mamaya di mo masagot ang tanong ko at magbago pa ang tingin ko sayo. Iniisip kong magtatagumpay ka balang araw. magaling ka sa pakikisama at ayaw mong nakakasama ka ng loob ng iba.

Kay GC-Mode
Pinakamahalaga sayo ang pag-aaral kaysa sa ibang bagay. Minsan nga pati kaibigan mo nakakagalit mo sa sobrang ka-GC-han mo. Isa ka rin sa mga asset ko sa klase dahil ikaw ang batayan ko na naiintindihan ang lesson natin. Naniniwala akong malinaw sayo ang goal mo sa buhay at lagi kang nasa focus. Gusto ko yung seryoso mong pag-jot down ng notes habang nagdi-discuss ako. Pakiramdam ko, pati mga paliwanang ko sinusulat mo din gaya ng isang stenographer. Naniniwala pa rin ako sa maliwanag na kinabukasan dahil sa yo.

Kay Madlang People

Alam mo, di ko alam kong ayaw mo ba sa akin or gusto mo lang low profile ka. Sa katunayan, matatapos na ang School Year di ko parin matandaan ang pangalan mo. Siguro naiintindihan mo naman ang lesson pero ayaw mo lang maging bida-bida gaya ni Fanatic kaya tahimik ka lang. Hindi ka rin nakakatingin ng deretso kasi gusto mo nakikinig ka lang at ayaw mo na matawag sa recitation. Marunong kang sumunod at mas gusto mo na ako ang nasa harap kaysa kayo ang nasa harap ng klase.

Kay Panic Button

Gusto kong ulit-ulitin sayo na "Cool ka lang, kaya mo yan!" Kaya lang pag sinasabi ko ang oras bigla-bigla ka nalang nagpa-panic. Lalong hindi mo matatapos ang ginagawa mo sa kakapanic mo. Sa kabilang banda natutuwa ako dahil pinapahalagahan mo at binibigyang atensyon ang pinapagawa ko. Wag kang mag-alala, pagdating na araw marerealize mo ang halaga ng mga naituro ko sa iyo.

Kay Cool Guy
Hindi ko alam pero gusto ko nang maniwala na nung nagsabog ang langit ng oras sa mundo, ang nasalo naming lahat ay 24 hours pero sayo ay 26 hours. Hindi kita nakitaan ng sense of urgency kahit sinabi kong deadline na ng project nyu. Narinig mo na ang bell pero naglalakad ka pa rin na parang turista. Kailangan ko pang tumakbo at ipakita sa'yo na nagmamadali akong pumasok para magmadali ka din. Naniniwala ka sa 'Mind over Matter' kaya naman di ka affected ng stress.

Kay Peymus
Sikat ka sa campus lalo na sa FB. Kilala ka ng mga kabatch mo at kilala ka rin ng mga lower batch sayo. Dahil sa kasikatan mo, isa kang magandang role model. Gusto kang gayahin ng mga tumatawag sa'yo nang 'Ate' o 'Kuya'. Peymus ka dahil may posisyon ka sa isang organization sa school o lagi kang nananalo sa contest o dahil feeling artista ka dahil alam mong maganda o pogi ka. Natutuwa ako dahil alam mo pano dalhin ang sarili mo na nakatapak pa rin ang paa mo sa lupa. Naniniwala akong maraming mabuting katangian na pwedeng gayahin sayo bilang isang role model. Malamang ay naging inspirasyon ka rin ng ilan sa mga nakapaligid sa iyo.

Kay Ligaya
Madaling matuto sa masayang klase, diba? Minsan dahil sa mga komplikadong lesson nagiging seryoso tayo pero dahil sayo at sa mga nasa timing na mga jokes mo, lalong nagiging masaya ang klase. Parang kulang ang araw na di ka maririning ng klase. Kinalimutan ko na yung mga pagkakataong wala sa timing ang mga Jokes mo... 

Kay Pabebebebebebe
Bakit ganun, di naman tayo nag PE pero pagkatapos ng discussion, routine mo na ang pagtingin sa maliit mong salamin at paglalagay ng powder sa mukha mo? Siguro conscious ka lang sa mukha mo. Mas maganda sana kung ga'no ka kadalas mag-powder o tumingin sa salamin, ganun ka rin kadalas magrecite at magparticipate sa klase. Wag ka mag-alala, di mo naman kailangang i-check lagi ang mukha mo sa salamin dahil kung ano ang hugis at itsura nyan nung umalis ka sa bahay nyu eh ganun pa rin naman yan habang nagkaklase tayo. Siguro masyado ka lang over protective sa mga bagay na pinahahalagahan mo. 

Kay Hashtag
Hindi ka gaya ng mga artista na nagtatago sa press para maenjoy ang pribadong buhay nila... dahil isa kang bukas na aklat sa mga nakapaligid sa'yo. Konting galaw, nakapost na agad sa FB... 'Eating atm', 'sitting atm', 'walking atm', 'Sleeping atm', Pati feelings mo nakapost na rin sa FB... 'Feeling irritated', 'feeling alone', 'feeling loved', 'feeling maganda', 'feeling lonely'. Sa kabilang banda okay din dahil mindful ka sa mga nangyayari sa sarili mo pero mas maganda sana kung binabalanse mo yan sa privacy at security mo. Ang FB ay gaya ng Quiapo - malawak at madaming tao na nakamasid, na karamihan di mo kilala at di mo alam kung ano ang nasa isip.

Kay Bebeluv
Hindi ako kontrabida sa love story mo pero kung napapansin mo nire-remind kita lagi sa mga dapat mong i-prioritize sa buhay dahil bata ka pa. Lagi kong tinatanong sayo kung legal ba kayo o kung alam ba yan ng mga magulang ninyo. Okay naman na may inspirasyon ka sa pag-aaral mo, iba syempre ang pakiramdam ng nagmamahal Ayieeee... Naniniwala ka sa #mayforever pero pwede pang magbago ang lahat lalo na pag nasa kolehiyo ka na. Too much of everything is too much(???), iba pa rin pag marunong kang bumalanse.


Image Courtesy: This image belongs to the rightful owner 
and is not owned by the blogger.
Sa totoong buhay ang mga nabanggit ko sa itaas ay di talaga nage-exist as is. Ang pagkatao ninyo ay hindi ko kilala at maari ko lang i-describe kung ano ang nakita ko o naramdaman ko. Maaaring kombinasyon kayo ng dalawa o higit pa sa mga nabanggit ko. Gusto kong maintindihan nyo na pwede kayong mabuhay ng iba sa pagkakakilala ng iba. Wag nyung ikahon ang sarili nyo na ganito o ganyan ka, dahil yan ang pagkakakilala nila sa'yo. Napakaraming posibilidad na nasa inyo. Try to make a difference


Image Courtesy: This image belongs to the rightful owner 
and is not owned by the blogger.

Nasa inyo ang potensyal na maging successful sa buhay. Ang totoo, lahat ng pinagdaanan nyu, mapapositibo man o negatibo, masaya man o malungkot, parte pa rin yan ng pagkatuto mo. Dapat malinaw sa isip mo ang goal mo sa buhay. Anuman ang masalunga mo dapat focus ka sa tinatanaw mong goal. Mas masarap na makamit ang pangarap mo dahil alam mong pinaghirapan mo yun. 


Image Courtesy: This image belongs to the rightful owner 
and is not owned by the blogger.

Naging student din ako at  sa paniniwala ko, hanggang ngaun student pa rin ako. Sa halos 10 months na puro pagod dahil sa mga assignments, tests, practices, projects, school requirements, dagdag mo pa ang Research - nakakapagod to the 23rd power! Mahirap, minsan pati parents naten hindi tayo naiintindihan. Sa bahay nagagalit sila kasi halos wala na tayong maitulong dahil halos maubos na ang buhay natin sa harap ng computer. Tapos minsan pag ginagabi ng uwi, nagagalit din eh sinasabi mo naman na galing ka sa practice, na hinaluan ng konting gala at date (xempre secret na un hehehehe). Pag maaga ka naman umuwi nagagalit din, baka daw nag cutting classes ka. Pero kahit minsan hindi tayo nila maintindihan, luv natin sila, dahil hindi sila nagsasawang bigyan tayo ng baon. Well, seriously, we love them kasi ramdam naten na they love and care for us. Sa mga PARENTS, THANK YOU PO sa inyo!

 Sa mga naging titser ninyo, may mga pagkakataong sumasama ang loob nyu sa kanila dahil nahuli kayong nangopya, maingay, mahaba ang buhok (sa lalaki), natutulog sa klase, etc. etc. pero may dahilan kayo bakit ganun. Hindi ninyo masabe dahil minsan nauna nang nagalit... pero alam naten na limited din ang capacity nila, marahil expert sila sa lessons ninyo, pero the fact still remains na hindi nila alam ang buong detalye ng buhay ninyo. Naging part sila ng development ninyo at nagmamalasakit sila para sa inyo. THANK YOU PO MA'AM AT SIR!

          Sa loob ng sampung buwan, hindi mo alam kung makakasurvive ka. Andaming mga hadlang. Ang mahalaga ay hindi kayo sumuko o umatras sa laban. Minsan bumabagsak, pero nagsisikap na makabawi at makabangon para matapos ang laban. Ngaun? Alam na naten na nakasurvive kayo! After all those tests and hindrances, at last you are now completers! Gaya ng isang bida sa pelikula na nagpapabugbog muna pero sa huli siya parin ang bida at hindi nawawalan ng source ng lakas at determination. We acknowledge the source of everything in us... Alam naten na WE DIDN'T DO IT IN OUR OWN WAY! Sa lahat ng bagay, THANKS BE TO GOD!
           
          Gaya rin ng Diwata I, na kauna-unahang satellite ng Pilipinas na ipinadala sa outer space na pinondohan ng gobyerno dahil sa tinatayang malaking ambag nito sa weather forecasting at iba pang aspeto na katulad nito... Kayo rin ang kauna-unahang batch ng Junior High School na sasabak sa SHS. Kayo ang magiging bunga ng bagong curriculum at nasa inyo ang lahat ng potensyal upang makamit ang mga pangarap ninyo. Isa itong malaking hamon sa pagharap ninyo sa inyong kinabukasan.


          To all my students, I thank God for giving me an opportunity to be a part of your life. I will surely miss you guys!


          Congratulations to the 1st Batch of Junior High School Completers!

Dedicated to 1,963 Junior High School Completers of PNHS-Main specially to #jepoybabies #X2Catanians #X5paraSaEkonomiya #XASiklab & #XB on March 29, 2016, 7:00 AM @ PNHS-Main Quadrangle.