Showing posts with label Kuya Daniel. Show all posts
Showing posts with label Kuya Daniel. Show all posts

09 August 2013

Sagot ng Anak sa Magulang

ni: Kuya Daniel Razon


Sa iyo aking Tatay
Nais ko po sanang hanggang sa iyong pagtanda
Mata ma’y lumabo’t pandinig man ay humina
Ibig ko’y sa tabi mo upang magalaga
Tulad ng ginawa mo noong ako ay bata

Kung lumalakas man ang aking boses
Gusto ko lamang pong ako’y iyong marinig
Hindi ibig sabihin ako’y nagagalit
Kapag mayroon kang sa akin ay pinauulit

Pasensya na Itay kapag ikaw minsa’y aking naiiwan
At kung hindi ako ang palaging sa iyo ay umaalalay
Kailangan ko lng po na ipagpatuloy ang aking hanapbuhay
Gaya rin ng laging sa akin ay inyong ipinangangaral
Na wag maging tamad at tuwinay maging masikhay

Patawad po itay kung hindi tayo madalas magkakwentuhan
Hindi po dahil yun sa ang kwento mo’y ayaw kong pakinggan
At kailanman po ay hindi kita pinagtatawanan
Kung may sandaling ikaw ay mayroong nakakalimutan
 alam ko kasing dala marahil iyon ng iyong katandaan
at hindi ko pa po nakakalimutan
na nang ako’y bata ako’y pingtiyagaan
at iyong tiniis ang lahat ng aking mga kakulitan

At sa paghina ng iyong katawan
Nais ko po sanang ika’y mapaglingkuran
Gaya ng ako’y isang paslit pa lang
Binibigay mo ang lahat ng aking kailangan

Sa iyong pagtanda asahan mo Itay
Sa panalangin ko’y lagi ka pong laman
Na sana ikaw ay lagi Niyang bantayan
At sanay humaba pa ang iyong buhay

Sana’y madama mo ang aking pagmamahal
At makasama ka sa walang hanggan
Alam ko po ako’y hindi makakabayad
Sa pagmamahal mo at iyong paglingap

Ngunit sa Maykapal ang hiling ko sana
At ang aking pangarap ako sayo’y laging maging
Isang mabuting anak
Batid kong ikaw ay magiging masaya kung masusundan ko
Landas mong tinahak at ang paglilingkod na ginagawa mo

At kung ako po’y madalas wala diyan sa tabi mo
Gusto ko po kasing magawa
Kahit kaunti lang lang ng mga ginawa mo
Sana Itay, ako’y patawarin
Kung minsa’y matagal na hindi kita kapiling
Hindi ito dahil di ka mahal sa akin
Mayroon lang po talagang kailangang gawin

Di  ko po nais magbingibingihan
Sa mga daing mo at pananambitan
Ang bawat luha moy aking ipinagdaramdam
Di ko po ibig na ikay masaktan

Hiling ko rin po ang iyong pangunawa
Kung nagkukulang ako sa aking paggawa
Ngunit sa Maykapal hiling ko ay awa
Sa bawat sandali maingatan ka nawa.


References:
Razon, Daniel S. Sagot ng Anak sa Magulang. (As Aired in Dear Kuya, UNTV Radio Laverdad 1350 khz, last July 23, 2013.)
Video Source: http://www.youtube.com/watch?v=_fANZ0yhN4Q

Sulat ni Nanay at Tatay

ni: Ariel F. Robles


Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan.

Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan
o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan.
Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan
ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan
ng "binge!" paki-ulit nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang.
Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako.

Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong
tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo
noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay
nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka.
Basta pakinggan mo nalang ako. Huwag mo sana akong

Pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.

Natatandaan mo anak noong bata ka pa?
kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo 'yong sasabihin,
maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo nakukuha ang gusto mo.
Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa.
Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko.
Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan.

Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtyagaan kitang habulin

Sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit,

Dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.
Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap.

Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik

Na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.

Natatandaan mo anak, noong bata ka pa?
Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin
ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit
at maratay sa banig ng karamdaman,
huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.

Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan,
Pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay.
Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay
At bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha,
ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana ...
Dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...

Sagot ng Anak sa Magulang
ni: Kuya Daniel Razon


References:
Razon, Daniel S. Sagot ng Anak sa Magulang.
Robles, Ariel F. Sulat ni Nanay At Tatay. (As Aired in Dear Kuya, UNTV Radio Laverdad 1350 khz, last July 23, 2013). 
Video Source: http://www.youtube.com/watch?v=_fANZ0yhN4Q